Archive | December, 2011

WARM STATEMENT ON WATER RATE HIKE

19 Dec
May nakaumang na panibagong gastusin ang mga konsyumer ng tubig sa Kalakhang Maynila at sa mga lalawigan ng Rizal at at Cavite na sinusuplayan ng dalawang concessionaires ng Metropolitan Waterworks and Sewerage Syste—ang Manila Water at Maynilad.
Batay sa kanilang anunsyo, halos umaabot sa apat na piso (P4.00) kada cubic meter ang average water rate increase na ipapataw sa mga konsyumer ng Manila Water at Maynilad na inaprubahan ng MWSS. Ipatutupad ang dagdag-singil na ito simula sa Enero 2012.
Sa pagkakataong ito, mariing tinututulan ng Water for All Refund Movement o WARM ang dagdag-singil na inanunsyo ng Manila Water at Maynilad. Kahit sabihin pang inaprubahan na ito ng MWSS ay mahigpit pa rin naming kinukuwestyon kung nararapat nga ba na magpatupad ng dagdag-singil sa kanilang serbisyo ang Manila Water at Maynilad.
Para sa WARM, ito’y hindi makatarungan at isa na namang pagmamalabis sa panig ng Manila Water at Maynilad. Kinukuwestyon din namin kung bakit pinayagan ito ng MWSS nang hindi man lamang ikinukunsidera ang panig ng mga konsyumer na siyang tatamaan ng panibagong koleksyon na kukunin sa kanilang bulsa ng dalawang concessionaires.
Bago magpatupad ng panibagong pagtataas sa presyo ng tubig ang Manila Water at Maynilad ay nararapat lamang na kanilang ipaliwanag sa mga konsyumer ang mga iregularidad at anomalyang nakalkal sa Concession Agreement na nilagdaan sa pagitan ng MWSS.
Maraming dapat na ipaliwanag hindi lamang ang Manila Water at Maynilad kundi maging ang MWSS sa Concession Agreement subalit sa halip na kanilang harapin at sagutin ay ito pang dagdag-singil sa tubig ang kanilang inunang gawin. Nasaan ang katarungan sa panig ng mga konsyumer na nagbabayad sa kanila at kinolektahan pa ng mga advance payment sa ngalan ng mga umano’y proyekto ng Manila Water at Maynilad na hindi naman natupad o tinupad lahat?
Dahil dito kung kaya’t kaming mga bumubuo sa Water for All Refund Movement o WARM ay lumantad na upang ipahayag na hindi kami makapapayag na lalo pang mapagsamantalahan sa pagmamalabis ng Manila Water at Maynilad na kinukunsinti naman ng MWSS na dapat sana’y siyang tagapagtanggol para sa interes ng publiko.
Mariin naming kinokondena ang panibagong dagdag-singil na ito. Hinihiling naming na rebyuhin ang Concession Agreement, kalkalin ang libro ng Manila Water at Maynilad. Ilantad sa sambayang Pilipino ang mga iregularidad at anomalya sa likod ng pagsasapribado ng serbisyo ng MWSS na ibinigay sa Manila Water at Maynilad.
Sa ngalan ng katotohanan at tuwid na daan, iginigiit naming na itama ang mga baluktot na Gawain. Ilantad ang katotohanan. Panagutin ang may sala at habulin ang sobrang koleksyon ng Manila Water at Maynilad sa kanilang mga konsyumer na nagsimula buhat pa noong nilagdaan ang Concession Agreement para sa pagsasapribado ng serbisyo ng tubig sa Kalakhang Maynila at sa mga lalawigan ng Rizal at Cavite.
Itigil na ang pagsasamantala! Ipaglaban ang karapatan at interes ng publiko!

Water for All Refund Movement (WARM)

19 Dec

Ang Water for All Refund Movement o WARM ay binubuo ng mga consumers na sakop ng sinusuplayan ng tubig ng Maynilad at Manila Water sa Kalakhang Maynila, lalawigan ng Rizal at ilang bahagi ng Cavite.

Pinagbuklod kami ng layuning iwasto ang mga kamalian at katiwalian sa Concession Agreement ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Maynilad at Manila Water.

Kami ay boluntaryong kumikilos sa ngalan ng katotohanan at katarungan upang magkaroon ng malinaw, makatotohanan, patas at responsableng pagsusuri sa Concession Agreement ng MWSS sa pribadong sektor sa gitna na rin ng mga nabunyag na iregularidad at anomalya sa mga kasunduang pinasok sa Maynilad at Manila Water.

Naniniwala at naninindigan kami na bilang mga consumer na nagbabayad at kinokolektahan ng iba’t ibang uri ng mga bayarin kapalit ng sinusuplay na tubig sa aming mga tahanan ay mayroon din kaming responsibilidad at karapatan na kuwestyunin ang mga baluktot na sistemang umiiral sa MWSS at sa dalawang concessionaires nito na Maynilad at Manila Water.

Pangunahin na dito ang mga sobrang sinisingil ng Maynilad at Manila Water na nararapat lamang ipaliwanag sa publiko kung saan napupunta. Kung may proyektong pinaglaanan ay nararapat din lang na malaman ng mga consumers kung ito’y natuloy o hindi at kung nakabinbin o hindi natupad upang malaman kung sino ang may pananagutan.

Ang WARM ay kasalukuyang nangangalap ng mga dokumento (resibo) at lagda mula sa mga consumer ng Maynilad at Manila Water na nakikiisa sa adhikain ng pagkilos na ito. Bukod pa ito sa mga dokumentong nailatag na sa Kongreso at maging sa Commission on Audit at Office of the Ombudsman na humihiling na imbestigahan ang mga anomalya sa Concession Agreement ng MWSS.

Ang mga dokumentong ito ay magsisilbing katibayan ng ating ipinaglalaban na usigin ang Maynilad at Manila Water at ang MWSS na naging pabaya sa kanilang tungkulin na pangalagaan ang interes ng mga consumer.

Tanggap naming na mga higanteng concessionaires ang ating makakalaban sa krusadang. Maraming koneksyon at maimpluwensya sa ating lipunan. Subalit naniniwala kami na kung magkakaisa tayong mga consumer ng Maynilad at Manila Water ay magiging malakas ang ating laban kahit sabihin pang mga bigatin ang ating katunggali sa krusadang ito.

Kakampi natin ang katotohanan. Sa tuwid na daan tayo tumatahak. Ang ating pagbubuklod-buklod ang magbibigkis sa atin upang harapin ang gaano man kabigat ang kalaban.

Sama-sama tayong kumilos. Ituwid ang baluktot na sistema. Ilantad ang mga kasinungalingan. Ipaglaban ang katotohanan. Panagutin ang mga may sala. Kumilos tayo. Ngayon na!